Para mas mapatatag ang mga pamilya, nagsagawa ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas ng seminar para sa mga parent-officers ng mga pampublikong daycare, elementary at high school.

Umabot sa 500 mga magulang mula sa 21 Child Development Centers, apat na Kindergarten-on-Wheels, 15 na elementary schools, at siyam na high schools ng Navotas ang lumahok sa seminar.“Hindi madali ang pagpapalaki ng mga anak. May banal na tungkulin ang mga magulang na hindi lamang tustusan ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya kundi alagaan nang maayos ang kanilang mga anak para lumaki silang responsable,” ani Mayor John Rey Tiangco.

“Ang mga epektibong magulang ay bumubuo ng maayos na pamilya, at ang mga maayos na pamilya ay nag-aambag sa maunlad na komunidad,” dagdag niya.Sa seminar, pinayuhan ang mga kalahok na kailangan nilang unahin na alagaan ang kanilang sarili para kaya nilang mag-alaga ng iba.

Ayon kay Dr. Didoy Lubaton, health mentor, preacher at motivational speaker, kailangan nila ng sapat na tulog at tubig sa katawan, wastong nutrisyon, palagiang pagkilos at pagkatuto, at suporta ng komunidad para mapanatili ang magandang kalusugan.

Navotas City Congressman John Rey Tiangco

Pinaalalahanan din niya sila na kasama sa kagalingan ng isang tao ang emotional and mental health, relasyon, estadong pampinansyal, trabaho, mga parangap, buhay-espiritwal, at iba pa. Lahat ng ito ay kailangang linangin at alagaan.

Sa kabilang banda, ibinahagi ng singer at motivational speaker na si Bro. Alvin Barcelona ang 4Ts para mapatibay ang relasyon ng isang pamilya: talk, text, table and tag.

Aniya, kailangan ng mga pamilya ng komunikasyon sa pamamagitan ng face-to-face “talk” o sa “text” sa pamamagitan ng short messaging system (SMS) at online messages.

Idiniin din niya ang halaga ng “table,” na nangangahulugang pagsalu-salo sa pagkain o pag-iskedyul ng date sa bawat miyembro ng pamilya.

Binanggit din niya na kailangan ng mga pamilya ang “tag” o pagbubuo ng magandang relasyon sa ibang mga pamilya sa komunidad.

“Ang relasyon ay intensyonal. Kailangan mo itong paghirapan para ito ay manatiling maayos at matatag,” pagtatapos niya.

source: https://www.facebook.com/notes/navote%C3%B1o-ako/para-maging-matatag-ang-mga-pamilya-navotas-nagsagawa-ng-parents-seminar/2541534032540223/?tn=HH-R