NAVOTAS, Enero 15 (PIA)–Pinasinayaan ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas noong Enero 13, 2019 ang extension ng Centennial Park bilang bahagi ng pagdiriwang ng 113th founding anniversary ng lungsod bukas, Enero 16.

Pinangunahan nina Mayor John Rey Tiangco at Congressman Toby Tiangco ang pagpapasinaya sa may 9,000 metro kwadrado na expansion ng Navotas Centennial Park na matatagpuan sa Brgy. Bagumbayan North.

Ang parke ay magsisilbing festival grounds kung saan maaaring ganapin ang iba’t ibang okasyon at mga opisyal na aktibidad na ipagdiriwang sa lungsod ng Navotas.

Nagpasalamat si Mayor Tiangco sa Department of Public Works and Highways sa malaking tulong nito upang maisagawa ang proyekto.

Sinabi pa nito na ang waterfront extension sa reclaimed area ay bahagi ng plano para sa Navotas Centennial Park.

“Simula pa lamang ito. Binilisan ang konstruksyon ng lugar na ito para mabigyang-daan ang pagdaraos ng mga serye ng aktibidad para sa 113th Navotas Day ngunit marami pa ang gagawin dito.  Magsisilbi itong aktibong sentro ng ating lungsod kung saan ang mga pamilyang Navoteño ay maaaring mamasyal, maglaro, mag-relax at makapagpahinga,” ani Mayor Tiangco.

Ang Navotas Centennial Park ay ginawa noong 2006, sa panahon ni dating mayor Toby Tiangco, na ngayon ay Congressman na. Ito ay itinayo sa dating garbage transfer site na ni-reclaim at pinagyaman ng pamahalaang lungsod.

“Ang Navotas Centennial Park ay binuksan sa publiko noong ika-100 anibersaryo ng pagkatatag ng Navotas, at mula noon ay naging venue na ito ng iba’t ibang festival at mga okasyon.  Noong 2011, pinalawak ang sakop ng R10 Bridge at naapektuhan nito ang ilang bahagi ng parke. 

Gayunpaman, nanatiling magandang lugar ito at naging pasyalan ng magpapamilya, di lamang ng mga taga Navotas gayundin ang mga naninirahan sa mga karatig lugar,” ani Cong. Tiangco.

Dahilan dito, noong 2017, itinalaga ang  Navotas Centennial Park bilang family zone ng lungsod katuwang ang Metro Manila Development Authority.

Nakibahagi din sa pagpapasinaya sina Vice Mayor Clint Geronimo; Konsehal Arnel Lupisan, Neil Cruz, Don-don De Guzman, Jack Santiago at Alvin Nazal; Association of Barangay Captains – Navotas President, Ricky Gino-Gino at Brgy. Captain Tito Sanchez; dating konsehal, Eddie Maño; Junior Chamber International – Navotas Chapter President, Migi Naval; Navotas Clutch player, RV Vicencio; at youth representatives, CJ Santos at Julia Monroy. (PIA-NCR)

source: https://pia.gov.ph/news/articles/1017112