Navotas City – Nadagdagan na naman ang bilang ng mga skilled workers sa Navotas matapos magtapos ang 433 na mga trainees ng Navotas Training and Assessment (NAVOTAAS) Institute.
Sa 433, 355 ang na- assess ng Technical Education and Skills Development Authority at 353 ang pumasa.
Sa kani-kanilang talumpati, ibinahagi nina Cong. Toby Tiangco at Mayor John Rey Tiangco sa mga gradweyt ang sikreto kung paano maging matagumpay.
“Para makahigit sa buhay, kailangan parati kayong natututo at pinapaunlad ninyo ang inyong sarili. Alamin ninyo kung paano kayon maging mas mahalaga sa organisasyong inyong pagtatrabahuan o sa mga kliyente na inyong paglilingkuran,” payo ng mambabatas.
“Ang tagumpay ay hindi naaabot sa pagkaroon lamang ng kaalaman. Dapat maging masipag ka rin at dedikado sa iyong trabaho,” aniya.
Sa kabilang banda, maliban sa palagiang pagpapaunlad ng kasanayan at kaalaman, binigyang-diin din ni Mayor Tiangco ang halaga ng pagkakaroon ng tamang pag-uugali ukol sa trabaho at ang pagbuo ng magandang relasyon sa iba.
“Sikapin ninyong magkaroon ng wastong work ethics. Maging bukas sa pagkatuto mula sa inyong mga pinuno o sa iba. Malayo ang mararating ninyo pag ganito ang inyong ugali,” sabi ng nakababatang Tiangco.
“Binubuo ng higit 400 trainees ang inyong batch. Sikapin ninyong kaibiganin sila. Malaki ang maaaring maitulong ng pagkakaroon ng malawak na network ng mga kaibigan sa inyong mga plano para sa hinaharap,” dagdag pa niya.
Pinaalalahanan ni Mayor Tiangco ang mga nagsipagtapos na kung gusto nilang magkaroon ng dagdag na kasanayan, maaari silang mag-enroll sa iba pang technical-vocational courses sa NAVOTAAS Institute.
Sinabi rin niya na kasalukuyang nagpapatayo ang pamahalaang lungsod ng dalawang na training center sa Brgy. Daanghari at Brgy. North Bay Boulevard South-Kaunlaran. Kabilang sa mga kursong ihahandog sa mga center na ito ang barista, wellness massage, animation, visualgraphics, at iba pa.
Dagdag pa rito, hinikayat niya ang mga gradweyt na mag-avail sa Tulong Puhunan at Tulong Negosyo na mga programa ng pamahalaang lungsod kung nais nilang magnegosyo. Kailangan lang nilang makipag-ugnayan sa NavotaAs Hanapbuhay Center sa 2nd Floor ng Navotas City Hall.
article source: https://remate.ph/2018/07/02/433-trainees-ng-navotas-training-and-assessment-institute-nagtapos/