Bahay ang ipinamasko ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas City sa mga pamilyang Navoteño na dating nakatira malapit sa dagat o ilog.
Animnapung pamilyang Navoteño ang magdidiriwang ngayon ng Pasko sa bago nilang bahay matapos pasinayaan at basbasan ang NavoHomes Dagat-dagatan sa Brgy. North Bay Boulevard South-Dagat-dagatan.
“Isang ligtas na tahanan kung saan pwedeng bumuo ng mga pangarap ang isang pamilya—‘yan ang gusto natin para sa bawat pamilyang Navoteño. Ito ang dahilan kung bakit nagsisikap tayong maialis ang mga pamilyang naninirahan sa tinuturing na danger areas at mabigyan sila ng disente at ligtas na tahanan,” ani Mayor John Rey Tiangco.
Hinikayat naman ni Cong. Toby Tiangco ang mga benepisyaryo ng pabahay na lumahok sa mga programa ng pamahalaang lungsod.“

Naghahandog ang ating lokal na pamahalaan ng mga scholarship, medical assistance, kabuhayan, at iba pa. Samantalahin ninyo ang mga ito dahil ito’y ginawa para matulungan kayo at ang inyong pamilya na magkaroon ng magandang bukas,” saad niya.
May limang in-city housing projects ang Navotas na nakalaan sa 1,800 mga pamilya. Para maging benepisyaryo, kailangan nilang sumailalim sa drug test para masiguro na payapa ang mga komunidad sa pabahay.
Nitong Nobyembre, pinasinayaan ng lungsod ang lima sa walong gusali ng NavotaAs Homes Tanza II sa Brgy. Tanza 2. Ang nasabing pabahay ay maaaring tirhan ng 408 mga pamilya.
article source: https://www.facebook.com/notes/navote%C3%B1o-ako/bahay-niregalo-ng-navotas-sa-60-pamilya/2545979902095636/?tn=HH-R