Binigyan ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ng ligtas na tahanan ang 192 pamilyang Navoteño na dating nakatira sa mga tinatawag na danger areas.
Pinangunahan nina Mayor John Rey Tiangco at Cong. Toby Tiangco, kasama sina Engr. Juancho Corpuz ng National Housing Authority, Brgy. Chairperson Rochelle Vicencio at ibang opisyal ng lungsod, ang pagbabasbas at pagpapasinaya sa NavotaAs Homes Tanza II at Brgy. Tanza 2.

“Hangad natin na bawat pamilyang Navoteño ay nakatira sa isang ligtas na tahanan. Ito ang dahilan kung bakit nagpupursige tayong mabigyan sila ng mga tahanang maaari nilang tirhan nang hindi nila pinoproblema ang kanilang kaligtasan,” ani Mayor Tiangco.Samantala, hinikayat ni Cong. Tiangco ang mga residente na sundin ang mga alituntuning inilatag ng pamahalaang lungsod para mapanatiling maayos at payapa ang kanilang bagong komunidad.
Bago makakuha ng housing unit, kailangan pumasa sa drug test ang lahat ng mga miyembro ng aplikanteng pamilya.Sumasang-ayon din ang mga aplikante na hindi sila magsusugal o iinom ng alak sa loob ng kanilang unit o sa pabahay.
May limang in-city housing projects ang Navotas na nakalaan sa mga pamilyang naninirahan sa tabing-dagat o ilog.
Nasa 1,800 mga pamilya ang kaya nitong mabigyan ng tahanan. Ang mga pamilyang benepisyaryo ay kinailangang sumailalim sa drug test para masiguro na payapa ang mga komunidad sa pabahay.
Ang NavotaAs Homes Tanza II ay may walong 3-storey buildings na maaaring tirhan ng 408 mga pamilya.
article source: https://www.facebook.com/notes/navote%C3%B1o-ako/bagong-tahanan-ibinigay-sa-192-pamilyang-navote%C3%B1o/2506785179348442/