MANILA, Philippines — Nasa 60 pamilya na nakatira sa dagat o ilog sa Navotas ang nabiyayaan ng pamaskong bagong bahay ngayong Disyembre ng Pamahalaang Lungsod.
Ito ay makaraang ibigay sa kanila ang susi ng kani-kanilang unit sa bagong bukas na NavoHomes Dagat-Dagatan sa Brgy. North Bay Bou-levard South-Dagat-dagatan sa ilalim ng hou-sing project ng lungsod.
“Isang ligtas na tahanan kung saan pwedeng bumuo ng mga pangarap ang isang pamilya—‘yan ang gusto natin para sa bawat pamilyang Navoteño. Ito ang dahilan kung bakit nagsisikap tayong maialis ang mga pamilyang naninirahan sa tinutu-ring na danger areas at mabigyan sila ng disente at ligtas na tahanan,” ani Mayor John Rey Tiangco.
Nabatid na may limang in-city housing projects ang Navotas na nakalaan sa 1,800 mga pamilya partikular ang mga nakatira sa mga danger zones.
Ngunit pangunahing pangangailangan upang makabilang sa mga benepisaryo ay kailangang sumailalim sila sa drug test para masiguro na payapa ang mga komunidad sa pabahay.
Nitong Nobyembre, pinasinayaan ng lungsod ang lima sa walong gusali ng Navotas Homes Tanza II sa Brgy. Tanza 2. Ang nasabing pabahay ay maaaring tirhan ng 408 mga pamilya.
Hinikayat din ng lokal na pamahalaan ang mga residente na makilahok sa lahat ng kanilang programa kabilang ang ibinibigay nilang scholarship, medical assistance, livelihood, at iba pa.