Namahagi ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas ng mga fiberglass na bangka at mga lambat sa 80 mahihirap na mangingisdang Navoteño.
Pinangunahan nina Mayor John Rey Tiangco, Vice Mayor Clint Geronimo at Cong. Toby Tiangco, kasama ang mga opisyal ng lungsod at si Pierre Velasco ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, ang pamimigay ng mga ito Lunes ng umaga.

Ang mga bangka, na may 18 hp engine, ay ipinamigay nang libre sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng NavoBangka-buhayan Program.“Ayon sa mga pag-aaral, nananatiling mahirap ang mga mahihirap dahil wala silang regular na kita. Anuman ang kanilang kinikita, ginagasta agad nila ito sa kanilang mga pangangailangan. Hindi nila ito napaplano nang maayos dahil meron sila parating pagkakagastusan,” ani Mayor Tiangco sa mga benepisyaryo.
“Ayaw namin ang ganitong buhay para sa inyo kaya nagsisikap kaming ibigay sa inyo ang inyong mga pangangailangan para magkaroon kayo ng regular na pagkakakitaan. Gamitin ninyo ang bangka at lambat na aming ibinigay para matustusan ang gastusin ng inyong pamilya. Ipunin ninyo kahit ang pinakahuling sentimo at iwasang malulong sa bisyo,” dagdag niya.
Pinaalalahanan din ng nakababatang Tiangco ang mga benepisyaryo na maging responsable sa pangingisda at tumulong sa pangangalaga at pagpreserba sa kalikasan.Samantala, binate ni Cong. Tiangco ang mga benepisyaryo at sinabi niyang hangad din ng pamahalaang lungsod na matulungan hindi lang sila kundi pati na ang mga Navoteño na nangangailangan ng hanapbuhay.
“Ipinapatayo natin ang dalawang training center para sa mga nais magkaroon ng technical-vocational skills. Meron din tayong mga entrepreneurship caravan para maturuan ang mga Navoteño kung paano magsimula ng sariling negosyo,” aniya.
Kabilang sa mga benepisyaryo ng NavoBangka-buhayan Program ang mga mahihirap na rehistradong mangingisda. Kailangan nilang sumailalim at pumasa sa drug test, at panatlihin ang “good moral standing” sa komunidad.
Ang pamahalaang lungsod ang bumili ng mga materyales para sa paggawa ng fiberglass na mga bangka. Ang BFAR naman ang nagbigay ng training sa mga benepisyaryo kung paano ito gawin at ikumpuni.
Sinabi rin ni Mayor Tiangco na may natitira pang materyales para makagawa ng lima hanggang sampung bangka. Aniya, hihiling siya ng karagdagang pondo sa Sangguniang Panlungsod para mas marami pang fiberglass na bangka ang maaaring gawin.
article source: https://www.facebook.com/notes/navote%C3%B1o-ako/mahihirap-na-mangingisdang-navote%C3%B1o-nakatanggap-ng-mga-bangka/2529024637124496/