Para makapaghandog ng mas madaling access sa mas maraming tulong medikal mula sa pamahalaan, binuksan ng Navotas ang Malasakit Center nito sa Navotas City Hospital (NCH).
Pinangunahan nina Mayor John Rey Tiangco, Cong. Toby Tiangco at Presidential Assistant to the Visayas Sec. Michael Lloyd Dino ang pagpapasinaya kasama ang mga opisyal ng lungsod at mga barangay.
“Nagpapasalamat tayo na dito sa Navotas itinatag ang ika-25 na Malasakit Center sa Pilipinas. Mas madali na ngayon at mas kombinyente para sa mga Navoteño na kumuha ng medical assistance mula sa iba-ibang ahensya ng gobyerno,” ani Mayor Tiangco.

Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop na naghahandog ng serbisyong medikal at tulong pinansyal mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Philippine Amusement and Gaming Corp., Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth), Department of Health (DoH), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).P5 milyon ang paunang ibinigay sa NCH mula sa Presidential Social Fund (PSF) para masimulan ang operasyon ng center.
“Bagaman may medical assistance at hospitalization program ang ating pamahalaang lungsod, malaki ang tulong na hatid ng pagkakaroon ng sarili nating Malasakit Center para masiguro na hindi kailangan gastahin ng mga Navoteño ang perang kanilang pinaghirapan para sa mga gastusing medikal,” dagdag ni Mayor Tiangco.
Samantala, sinabi ni Cong. Tiangco na ang NCH Malasakit Center ay nabuo mula sa pangako ni dating Special Assistant to the President Christopher Lawrence “Bong” Go sa mga Navoteño na magkakaroon sila ng madaling access sa tulong medikal.
“Sa isang pagbisita sa Brgy. Tangos at matapos makausap ang mga survivor ng sunog, nangako si SAP Bong Go na isusulong niya ang pagkakaroon ng Malasakit Center dito sa Navotas. Ito ang katuparan sa pangakong iyon,” kwento niya.
Para makinabang sa serbisyo ng Malasakit Center, kailangan magdala ng hospital billing at medical abstract. Hindi na kailangang magpasa ng certificate of indigency.
source: https://www.facebook.com/notes/navote%C3%B1o-ako/malasakit-center-binuksan-sa-navotas/2658011727559119/?tn=HH-R