Nilagdaan ni Mayor John Rey Tiangco ang isang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng NavotaAs Ulirang Pamilyang Mangingisda Scholarship Program.
Base sa kasunduan, limang kamag-anak, hanggang second degree of consanguinity o affinity, ng 2018 Top Ten Outstanding Fisherfolk ay maaari ng makakuha ng educational assistance mula sa Navotas City goverment.
Kabilang sa unang batch ng Ulirang Pamilyang Mangingisda scholars sina Rhea Garnodo at Lenz Edrick Sabino ng Brgy. Tanza 1; April Rose Santiago at Apple Udarbe ng Brgy. Tangos South; at Nathaniel Mongolian ng Brgy. Sipac-Almacen.
“Nais natin na mabigyan ang mga anak at iba pang kaanak ng ating mga rehistradong mangingisda ng pantay na pagkakataon na makamit ang kanilang mga pangarap sa pamamagitan ng de-kalidad na edukasyon nang hindi nahahadlangan ng problemang pinansyal,” sabi ni Mayor Tiangco.
Sa ilalim ng MOA, bibigyan ng Navotas ang mga iskolar ng P16,500 transportation at food allowance pati na P1,500 na book stipend bawat academic year.
Samantala, inaasahan sa mga iskolar na panatilihin nila ang pagkakaroon ng mataas na marka at mabuting pag-uugali; ang pagiging malusog; at ang paglilingkod sa pamahalaang lungsod, kung kinakailangan.
Itinatag ng pamahalaang lungsod ang NavotaAs Scholarship Program noong 2011. Noong una, saklaw lang nito ay mga estudyanteng nangunguna sa klase at mga gurong nais mag-aral ng graduate studies.
Noong 2016 at 2017, idinagdag ang athletic at art scholarships.
Simula nang magkaroon ng scholarship program, umabot na sa 291 academic scholar, 293 athletic scholar, at 19 art scholar ang napag-aral ng pamahalaang lungsod.
Kaugnay nito, bukas naman ang tanggapan ni Navotas Lone District Rep. Toby Tiangco para tumulong sa iba pang suliranin ng mga mangingisda sa lungsod.
“Mula Lunes hangang Biyernes, bukas po ang aking District Office sa likod lang ng city hall para makatulong,” ayon kay Cong. Toby.
article source: https://www.abante.com.ph/moa-para-sa-kapakinabangan-ng-mga-mangingisda-sa-navotas-nilagdaan.htm