Manila, Philippines – Sadyang ‘di paaawat ang magkapatid na sina Navotas Mayor John Rey at Congressman Toby Tiangco sa kanilang walang patid na paglilingkod at pagpapaunlad ng lungsod nang sila’y mag-file ng kanilang kandidatura bilang Kinatawan ang una at alkalde naman ng lungsod ang huli.

Parehong patapos na ng kanilang third and last term, kanilang tinanggap ang hamon ng mas nakararaming residente na hindi magpalit ng pwesto upang hindi maputol ang ‘Serbisyong-Tiangco’ na tunay namang patuloy na nagpapaunlad ng lungsod na dati-rati’y napag-iiwanan ng ibang lugar dahil sa mahinang liderato ng mga naunang namuno rito.

Mismong ang mga miyembro ng Camanava Press Corps ay saksi sa pag-unlad ng Navotas dahil na rin sa partnership ng Tiangco brothers na hindi naging maramot sa pagbibigay ng todong-serbisyo sa kanilang constituents.

Galing Pook Award uli

Isang buwan matapos gawaran ng Seal of Good Education Governance, nasungkit muli ng lungsod ang Galing Pook Award para sa pagbibigay nito sa mga Navoteño ng Accessible, Holistic and Inclusive Education (ACHIEVE) mula sa pagkamusmos.

Mismong si Mayor JRT ang tumanggap ng plake sa katatapos na 25th Galing Pook Awards sa Manila. Kasama sa ACHIEVE ang sari-saring early childhood education at health initiatives batay sa ‘sustainable and transferable approaches’ gaya ng First 1,000 Days, supplemental feeding, Kindergarten on Wheels, Youth and Kids Ministry at Avot Tour.

Kabilang din dito ang FUNtastic Family Day, Alternative Learning System at Project Gabay Edukasyon para sa mga Mag-aaral na Wala sa Paaralan, NavotaAs Scholarship Program at iba pa.

Panahon na, Malabon ahon na!

“Nais kong mahalal na mayor ng Malabon upang matugunan ang hiling ng aking mga kababayan, lalo na ang mga kapus-palad sa kanilang pangangailangan. Sa tagal at lalim ng pakikisalamuha ko sa kanila at bilang kanilang nag-iisa at tunay na ‘KAKAMPI’, nararamdaman ko ang paghihirap nila tulad sa pagbaha, problema sa basura, kawalan ng oportunidad o hanapbuhay, kakulangan ng batayang serbisyo, lalo na sa kalusugan o pagpapaospital at edukasyon, paglaganap ng droga at iba pang krimen na nakaaapekto sa kaunlaran, kapayapaan at kaayusan at sa matiwasay at walang pag-aalinlangang pamumuhay ng mga tao. Ito rin ang nakita ko na hindi natutugunan ng kasalukuyang pamunuan, kaya naman ito na ang panahon upang aksyunan ito,” ani Vice Mayor Jeannie Sandoval sa kanyang pag-file ng kandidatura bilang alkalde, kasama si Councilor (Atty.) Maricar Torres bilang running mate.

Nauna nang naghain ng certificate of candidacy ang kanyang kabiyak, ang Father of Malabon Cityhood na si Rep. Ricky Sandoval bilang Kinatawan sa kanyang 2nd term.

Kamakailan lang ay umani ng papuri ang mag-asawa nang kanilang makumbinsi ang Philippine National Railways at si GM Junn Magno na i-extend ang PNR station sa Gov. Pascual Avenue sa lungsod para makinabang ang mga taga-Malabon.

Source: https://remate.ph/2018/10/21/tiangco-bros-di-paaawat-sa-serbisyo-publiko/